Kaso laban sa pinuno ng PAO, pinababasura

Manila, Philippines – Pinababasura ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta sa Office of the Ombudsman ang reklamong graft laban sa kanya.

Sa inihaing mosyon ni Acosta, iginiit nito na dapat ibasura ang manifestation na galing umano sa mga abogado ng PAO na humihiling na siya ang suspendihin.

Aniya, walang sapat na ebidensya at ginamit lang ang isyu ng Dengvaxia para bigyang katwiran ang pagbili ng dagdag na mga kagamitan sa tanggapan ng PAO.


Ayon pa sa PAO chief, dapat ma-strike out ang anonymous manifestation dahil wala itong naiprisintang ebidensya.

Itinanggi rin nito ang alegasyon na siya at si PAO forensic expert Dr. Erwin Erfe ay naglustay ng pondo ng bayan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Atty. Wilfredo Garrido Jr. noong April 11 at kalaunan ay lumabas ang manifestation na inilabas ng nagpakilalang mga PAO lawyers na nais masuspinde sina Acosta at Erfe.

Bukod sa graft, nahaharap sina Acosta at Erfe sa reklamong falsification, malversation at mga administrative charges.

Facebook Comments