Kaso na natatanggap ng PNP-IAS laban sa mga pasaway na pulis, dumami

Tumaas ng 36 hanggang 38  porsyento ang bilang ng mga kaso ng mga tiwaling pulis na natanggap ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ngayong taon.

Ayon kay Atty. Alfegar Triambulo, inspector general ng IAS, matapos ang isinagawang integrity fun run ng IAS kanina, sinabi niya na mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan, umabot na sa 2,291 na mga reklamo ang kanilang natanggap.

Mataas ito kung ikukumpara sa datos noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan, na 1,683 lang ang mga naitalang reklamo.


Paliwanag ni Triambulo, kasama sa mga kaso na iniimbestigahan na nila ang mga pulis na nagpaputok ng baril, mga nasangkot sa iligal na droga, mga lumabag sa karapatang panto sa gitna ng police operation at mga nasangkot sa vote buying nitong nakalipas na eleksyon.

Pero, sinabi ni Triambulo na ang kahit na tumaas ang bilang ng mga hinahawakan nilang kaso ay nanatili namang mataas ang ‘efficiency rate’ ng IAS.

Ngayong taon kasi may 1,454 ang bilang ng mga kasong kanilang naresolba kumpara sa 1,136 noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga pulis na may kaso ay may mga ranggong patrolman o PO1.

Facebook Comments