Kaso ng child pornography, tumaas ngayong may pandemya

Mula Enero hanggang ngayon ay umabot na sa 400,000 ang Suspicious Transactions Reports (STR) na naitala ng Anti Money Laundering Council (AMLC) at karamihan dito ay may kinalaman sa online sexual exploitation lalo na sa mga bata.

Sa budget hearing ng Senado, sinabi ni AMLC Executive Director Atty. Mel Georgie Racela na inaasahan nilang papalo pa sa 30% ang itataas ng STRs sa pagtatapos ng taon.

Ayon kay Racela, tatlo ang lumalabas na modus operandi sa child pornography sa bansa.


Una ay ang direktang pakikipag-usap at paghingi ng bayad ng salarin sa biktima;
ikalawa ay ang pamilya mismo ng biktima ang nakikipagtransaksyon sa mga salarin; at
ang ikatlo ay ang kinakasangkutan ng malaking grupo o operasyon na pinapatakbo ng sindikato.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na isinusulong na niya na maimbestigahan ang pagtaas ng kaso ng child pornography.

Nais pagpaliwanagin ni Marcos ang mga internet service provider sa bansa kung bakit hindi napipigilan ang mga ganitong uri krimen sa cyberspace.

Natuklasan kasi na hindi sapat ang kasalukuyang financial safeguards at regulatory controls para labanan ang ganitong iligal na gawain.

Facebook Comments