NADAGDAGAN na naman ang naitalang reklamo hinggil sa pagiging bastos ng mga Chinese nationals dito sa bansa na isinisiwalat sa pamamagitan ng social media.
Ang pinakahuling nagreklamo ay si Commissioner Aileen Lizada, ng Civil service Commission (CSC), matapos nitong masaksihan ang hindi pagsunod ng limang Chinese nationals sa pagpila sa may pre-departure area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
“Papasok po ako sa pre-departure na area, lahat po ng mga Pilipino ay properly pong nakapila, pati po ako nakapila po ako. Out of nowhere, four to five what appeared to be mga Chinese nationals, sumuong po sa ilalim no’ng parang barrier… “They were all laughing and they were all looking at us, and dumeretso po sila sa x-ray (machines),” ayon kay Lizada sa audio message na ipinadala nito sa mga reporter.
Bago ito, naging viral din sa social media ang litrato ng isang Chinese national na pinapadumi sa MOA seaside ang kasamang bata.
Inilahad din ni Heide Naguit sa kanyang Facebook account hinggil sa kanyang aktwal na nakita sa ilang Chinese tourists/nationals dito sa bansa. Aniya, hindi naman sa nilalahat pero ilang beses na siyang nakakita kung paano mambastos ang mga ito o kawalan ng urbanidad. Inihalimbawa niya ang nangulangot sa kanya mismong harapan na tila walang pakialam habang nasa may elevator; dumura sa loob ng restaurant at ang pagtulak sa isang matandang Pinoy para makadaan.
Sa post naman ng yumaong News Personality na si Joseph Hubalde, kinuwento ng tourist guide na kanilang nakilala ang di umano’y pambabastos at pagiging arogante ng isang Chinese national na bumisita sa Palawan. Nagtanong ang turista kung saang lugar sa Palawan matatagpuan ang mga isla ng China dahil nais niya itong makita. Dahil sa inis ng tour guide, sumagot ito sa turista na kung gusto niyang makita ang lupain ng China ay bumalik ito sa sarili niyang bansa.
Nitong Pebrero lamang ng kasalukuyang taon, pansamantalang nakulong ang Chinese national na si Jiale Zhang, 23, estudyante, sa Mandaluyong nang tapunan nito ng taho si Police Officer 1 William Cristobal matapos sabihan si Zhang na ubusin muna ang kinakainbago pumasok sa MRT-3 platform. Nagkaroon din ng panawagan na ipa-deport si Zhang subalit habang ginagawa ang balitang ito ay wala nang makapagsabi kung ano ang kinahinatnan ng kaso.
Hindi rin kaila ang malaking isyung kinakaharap ngayon ng bansa dahil sa pag-angkin ng China sa ilang islang sakop sa economic zone ng Pilipinas at ang ginagawang panggigipit nito sa mga Pilipinong mangingisda sa sariling karagatan ng bansa.