Maaari pa ring sumipa ang COVID-19 cases sa bansa sa kabila ng ipinatupad noong Lunes na General Community Quarantine sa Metro Manila at ilang karatig lalawigan.
Sa interview ng RMN Manila sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na masyado pang maaga para sabihing nakikita na ang epekto ng NCR Bubble.
Paliwanag ni Duque, mataas pa rin ang higit 6,000 na naitalang kaso kahapon at karamihan sa mga ito ay noong mga nakaraang linggo pa tinamaan ng sakit.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang kalihim na huwag nang magpunta ang mga pasyenteng may mild symptoms at asymptomatic sa mga ospital upang bigyang prayoridad ang mga severe at critical cases.
Ganito rin ang mungkahi ni Dr. Michael Tee ng OCTA Research Team upang mapanatili sa 1:5 ang bilang ng nurse na nakatalaga sa Covid ward sa isang ospital at hindi mahirapan ang mga ito sa pag-aalaga ng mga pasyente.
Samantala, pagdating naman sa pagpapalawig ng GCQ sa NCR plus bubble ay nakadepende pa ito sa maiitalang bagong kaso sa unang linggo ng Abril.
Una nang sinabi ng OCTA na bumaba na sa 1.91 ang R-Naught o reproduction rate sa bansa mula sa 2.1.