Natuklasan ng OCTA Research Team ang isang upward pattern ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) na kaparehas sa Cebu City, Mountain Province at Benguet kung saan mayroong natukoy na kaso ng B.1.1.7 SARS-CoV2 UK variant.
Sa kanilang COVID-19 update, ang reproduction number sa NCR ay tumaas sa 1.51.
Bukod dito, tumaas din ang positivity rate sa NCR sa average na 6% nitong nagdaang pitong araw, batay sa average 18,000 polymerase chain reaction o PCR test kada araw.
Ang dalawang linggong attack rate sa NCR ay 4.17 kada 100,000.
Ayon sa OCTA Research, may pagtaas ng kaso sa Pasay, Manila, Makati, Malabon at Navotas.
Nakikitaan din ng pagtaas ng kaso sa Quezon City, Valenzuela, Caloocan, Taguig, Parañaque at Las Piñas.
Gayumpaman, ang hospital bed occupancy sa NCR ay nananatili sa 36%, habang 51% naman ang occupancy rate sa Intensive Care Unit (ICU) beds.
Babala ng OCTA, lumalaganap ang infections dahil nakikitang tumataas ang reproduction number sa NCR, mahihirapan na anila ang gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kapag patuloy na tumaas ang reproduction number, lalo na sa NCR, tinatayang aabot sa 715,000 ang kaso ng COVID-19 at aakyat sa 15,000 ang bilang ng mga nasawi sa katapusan ng Marso.
Kasabay ng initial vaccination rollout, dapat pa ring palakasin ang health campaign, mahigpit na pagpapatupad ng kasalukuyang quarantine protocols at localized lockdowns.