Kaso ng COVID-19 sa bansa, pumalo na sa 13,597; DOH, walang naitalang kaso ng health workers na tinamaan ng sakit ngayong araw

Umabot na sa 13,597 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos na madagdag ang 163 na new cases, batay na rin sa latest COVID-19 bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH).

Sa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa mga nadagdag na bagong kaso, 91 ang mula sa National Capital Region (NCR), 56 ay mula sa Region 7 at 16 ang naitala sa iba pang lugar sa bansa.


Nakapagtala naman ng 92 na panibagong gumaling sa sakit dahilan upang pumalo na sa 3,092 ang total recoveries sa bansa.

Nasa 857 ang kabuuang COVID-19 death cases sa bansa matapos na makapagtala ng panibagong labing isang nasawi ngayong araw.

Kasabay nito, masayang ibinalita ni Vergeire na walang naitalang kaso ng health workers na tinamaan ng COVID-19 ngayong araw at patuloy na tumataas ang bilang ng mga gumagaling sa kanilang hanay.

Sa ngayon ay nasa 2,336 ang bilang ng mga health workers na nagpositibo sa COVID-19, 1,086 rito ang nakarekober habang nananatiling 31 ang nasawi.

Samantala, pumalo naman sa 2,504 ang bilang ng mga pinoy sa ibang bansa na tinamaan ng covid-19 matapos na makapagtala ng panibagong 43 na kaso.

1,351 rito ang nasa pagamutan, 866 ang nakarekober na habang 287 ang naitalang nasawi.

Facebook Comments