Batay sa naging public address ni Cauayan City Mayor Bernard Faustino M. Dy ngayong araw, Pebrero 3, 2022, nasa 121 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod mula sa dating bilang na 176 nitong Pebrero 2.
Mula sa naturang bilang ng active cases, ang labimpito (17) na nagpositibo ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital, isa (1) ang nasa Quarantine Facility at isang daan at tatlo (103) naman ang nasa kani-kanilang tahanan o naka Home-Quarantine.
Pinahintulutan naman ng mga ospital ang mga nag home-quarantine dahil hindi naman gaanong malala ang kanilang karamdaman at sila ay mga Asymptomatic.
Samantala, binuksang muli ang mga Barangay Isolation Quarantine Facilities sa Lungsod upang may matuluyan ang mga magpopositibo na hindi pasok sa Guidelines para sa Home Quarantine.
Muli namang nagpaalala ang alkalde na patuloy pa rin sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols habang nasa Alert Level 3 status pa rin ang buong probinsya ng Isabela.
Magtatagal ang alert level 3 status ng Lungsod ng Cauayan hanggang Pebrero 15 taong kasalukuyan.