Kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Bumaba

Cauayan City, Isabela- Nananatili na lamang sa 55 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan mula sa 134 na naitala ng lungsod sa mga nakalipas na linggo.

Ito ang masayang ibinahagi ni Mayor Josemarie Diaz sa publiko sa kanyang official statement.

Sa datos, umabot naman sa 142 ang ‘recovered’ cases sa loob ng 7 araw.


Ayon pa sa alkalde, pumalo sa 9.55% mula sa 18.9 % ang Average Daily Attack rate sa nakalipas na anunsyo nito sa publiko habang ang 2-weeks growth rate ay umabot naman sa negative 64.19% mula sa 28.8 % kung saan naklasipika sa ‘low risk’ ang sitwasyon sa siyudad.

Nasa 12 nalang ang kasong nasa pangangalaga naman ng City of Ilagan Medical Center kung saan inaasahan na mababawasan pa ito dahil sa fully recovered na ang limang katao mula sa virus.

Inalala rin ni alkalde noong kasagsagan ng mga kaso ay halos mapuno ang hospital sa araw-araw na dinadala dito matapos tamaan ng COVID-19.

Hindi pa rin aniya dapat magpakampante ang publiko kahit bumaba na ang bilang ng positibong kaso sa lungsod bagkus sumunod pa rin sa alituntunin na ipinatutupad ng pamahalaan para tuluyang maiwasan ang banta ng COVID-19.

Samantala, muli namang inatasan ng opisyal ang lahat ng kapitan ng barangay na ipagbigay alam sa BHERT ang mga taong umuuwi sa mga barangay mula sa labas ng lungsod upang matiyak na hindi umano ito mga carrier ng naturang sakit.

Facebook Comments