Kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Inaasahang Bababa dahil sa Localized Lockdown

Cauayan City, Isabela- Umaasa ang pamahalaang lungsod ng Ilagan na mapapababa ang bilang ng mga maitatalang positibong kaso ng COVID-19 dahil sa pagsasailalim ng 27 barangay sa Localized lockdown.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ricky Laggui, ang City General Services Officer ng Ilagan, inilagay sa localized lockdown ang 27 na mga barangay sa Siyudad na magtatapos hanggang April 10, 2021 dahil sa dami ng mga naitala na positibo sa virus.

Mayroon naman aniyang ibinibigay na ayuda sa mga barangay na naka-localized lockdown at talagang mahigpit ang pagbabantay sa mga entry at exit point sa mga barangay upang mapigilan ang paglabas pasok ng mga residente.


Kaugnay nito, binuksan na kahapon, Abril 4, 2021 ang Community Isolation Unit ng Lungsod na gagamitin pansamantala para sa mga may mild cases o asymptomatic COVID-19 patient.

Sa kasalukuyan, nasa 145 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod na kung saan 11 lamang ang may CV codes.

Una nang nagbabala si City Mayor Josemarie Diaz sa sinumang Ilagueñong lalabag sa ipinatutupad na health protocols na hindi na mag-aatubili ang mga opisyal ng barangay sila ay huhulihin at papatawan ng community service.

Pakikipagtulungan ani Mayor Diaz ang kailangan ngayon at hindi ang pambabatikos sa mga hakbang na ginagawa ng lokal na pamahalaan.

Ipinaalala din ni Ginoong Laggui ang pahayag ng alkalde na obligasyon ng mga barangay Kapitan na ipatupad ng mahigpit ang health protocols sa mga constituents.

Samantala, ibinahagi ni Ginoong Laggui na wala pang nakikitang bagong variant ng COVID-19 na nakapasok sa Lungsod subalit tuloy-tuloy aniya ang monitoring ng mga health officials hinggil dito.

Patuloy naman na ipinapaalala ang pagsunod sa health protocols upang maiwasang makapitan ng virus at hindi rin makahawa sa ibang tao.

Facebook Comments