Kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Kontrolado na; Kabataang Bakunado, Higit 600

Cauayan City, Isabela- Kontrolado na umano ang kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan makalipas ang ilang buwan na maraming naitalang tinamaan ng virus.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, tagapagsalita ng LGU City of Ilagan, nasa 36 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod at inaasahan pang bababa ang naturang bilang sa mga susunod na araw.

Bagama’t kontrolado na ang kaso ng COVID-19 sa siyudad ay hindi pa rin umano kinakailangan na maging kampante ang publiko at panawagan pa rin na sundin ang umiiral na minimum health protocols.


Samantala, batay sa datos na inilabas ng City of Ilagan Medical Center as of November 1, umakyat na sa kabuuang 672 ang naitalang bakunado na mga kabataang edad 12-17 matapos umarangkada ang pagbabakuna sa mga Pediatric A3 sa Isabela.

Hinimok naman ng lokal na pamahalaan ang iba pang mga kabataan na magpabakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments