Kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan, Nakakaalarma na- Mayor Diaz

Cauayan City, Isabela- Nakakaalarma na umano ang estado ng City of Ilagan sa usapin ng patuloy na pagsipa ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Ito ang inihayag ni Mayor Josemarie Diaz sa ginanap na City of Ilagan Inter-Agency Task Force Coordination Meeting kahapon, Setyembre 20, 2021.

Ayon sa alkalde, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga aktibong kaso ng tinamaan ng virus sa lungsod na pumalo na sa mahigit 120 kung saan biglang tumaas ang naturang bilang sa dating 92 lang sa nakalipas na limang (5) araw.


Hindi pa aniya kasama dito ang bilang ng mga nauna nang isinailalim sa antigen test na kasalukuyang hinihintay naman ang resulta ng RT-PCR test na nasa humigit kumulang 200 at kung susumahin umano ay posibleng magkaroon ng karagdagang kaso at sumipa sa 300 ang bilang sa lungsod na higit umanong nakakaalarma.

Giit ng alkalde, kung pababayaan umano ang sitwasyon at magiging maluwag sa mga ipinapatupad na health protocol ay maaaring mabilis na kumalat ang COVID-19 at mauwi sa outbreak gaya ng nangyari sa mga nakalipas na buwan.

Kaugnay nito, ang average daily attack rate sa kasalukuyan ay nasa 9.74% mula sa dating 6.80% nitong Setyembre 15 habang ang two-week growth rate sa ngayon ay nasa 57.03% mula sa 4.96% sa nakalipas na limang araw.

Dahil dito, nagpatupad ng halos magkakasunod na localized lockdown sa mga purok ng piling mga barangay sa lungsod dahil sa tumataas na kaso ng mga tinamaan ng virus gayundin ang pansamantalang pagsasara sa new Ilagan public market.

Binigyang diin rin ng alkalde na hirap na rin umano ang mga medical frontliners na tumanggap ng mga pasyenteng nagpopositibo sa sakit sa harap ng punuan na rin ang mga quarantine facilities at COVID rooms.

Sa kasalukuyan, muling naibalik ang 10 quarantine facilities na minamandohan ng city government.

Sinabi rin ng opisyal na mas marami umano ang tinatamaan ng COVID-19 kumpara sa mga nakakarekober sa sakit.

Samantala, muli namang ipinanawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko na siguraduhin na magkaroon ng koordinasyon sa LGU ang mga residente ng siyudad mula sa labas ng rehiyon bago umuwi sa kani-kanilang mga tahanan at matiyak na maiiwasan ang hawaan sa COVID-19.

Facebook Comments