Kaso ng COVID-19 sa Kamara, umakyat na sa 26

Nadagdagan pa ng dalawa ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Mababang Kapulungan.

Aabot na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit ng Coronavirus Disease sa Kamara.

Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ang una sa dalawang nadagdag na kaso ay isang empleyado na nakatalaga sa Human Resources Management Service.


Ang nasabing empleyado ay huling nag-report sa trabaho noong Hulyo 20, 2020 at sumailalim sa test noong Hulyo 25, 2020 matapos na makaranas ng sintomas ng virus.

Ang empleyado ring ito ay tiyahin ng isa ring kawani sa Kamara na nakatalaga naman sa Procurement and Supply Management Service na positibo rin sa COVID-19 at nahawa ang kaanak dahil magkasama sa iisang bahay.

Ang pangalawa naman sa nadagdag na kaso ay empleyado ng Grounds Maintenance Group.

Huli itong pumasok noong Hulyo 21, 2020 at na-test nitong Hulyo 26, 2020 matapos lagnatin.

Samantala, patuloy ngayon ang contact tracing sa iba pang empleyado na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Facebook Comments