Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Lungsod ng Ilagan.
Sa ibinahaging impormasyon ni City Mayor Jay Diaz, minarapat na aniya nitong isailalim sa lockdown ang ilan pang mga barangay gaya ng Bagumbayan, Allanguigan 2nd, Sindon Bayabo, Mangcuram, Bigao at Agassian dahil sa sunod-sunod din na pagkakatala ng COVID-19 cases.
Sa kasalukuyan ay nasa higit 100 na ang COVID-19 patients sa Lungsod ng Ilagan matapos makapagtala ng 33 na panibagong kaso.
Nasa 500 katao na rin ang nasuri para sa COVID-19 na naging direct contacts ng mga naunang nagpositibo at inaasahan na ito ay madadagdagan pa sa mga susunod na araw.
Nananatili naman sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Lungsod ang barangay Bliss Village, Calamagui 1st at Baligatan na sinusundan ng brgy Bigao at Aggacian.
Nagpapakita aniya ito na nagpapatuloy ang banta ng COVID-19 at malaki ang posibilidad ng pagkahawa lalo na kung hindi susunod sa mga minimum health standards.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang lahat na kung hindi kinakailangang lumabas ng bahay ay manatili na lamang sa tahanan.
Ikinalulungkot naman ng alkalde ang patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa Lungsod dahil sa kabila ng pag-iistrikto ng mga law enforcer katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan ay nakakapagtala pa rin ng mga panibagong kaso.
Pero, iginiit ni City Mayor Diaz na hindi susuko ang pamahalaang panlungsod kundi lalo pang paiigtingin ang pagsasagawa ng contact tracing at implimentasyon sa health and safety protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus.