Patuloy pa ang naging pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa Lungsod ng Mandaluyong mula noong Mayo 25, Lunes hanggang kahapon Mayo 30, Sabado.
Batay sa tala ng lokal na Pamahalaan ng Lungsod, kahapon, araw ng Sabado, naitala ang pinakamababang bilang ng nadagdag sa kanilang listahan ng mga pasyente ng COVID-19 matapos na isa lamang ang maitala.
Habang sinundan naman ito noong Lunes, Mayo 25 na mayroong 2 at noong Huwebes, Mayo 28 na mayroong 6 na kaso ang naitala.
Umabot naman sa 11 ang naitalang positibo sa virus noong May 27, Miyerkules, at 12 naman noong araw ng Biyernes Mayo 29.
Samantala, umabot naman ng 17 confirmed cases ng COVID-19 ang nakumpirma noong araw ng Martes, May 26, dahilan upang maitala ang pinakaramaraming kaso ng nagpositibo sa virus sa Lungsod sa loob ng isang linggo.
Sa ngayon, nasa 681 na ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 sa Lungsod ng Mandaluyong kung saan 56 na dito ang nasawi at 338 naman ang mga nakarekober na.