Inaasahang bababa na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, sa ngayon ay nasa 50% ang COVID-19 growth rate ng National Capital Region (NRC), habang nasa 1.5 hanggang 1.6 naman ang reproduction number ng rehiyon at nasa 3.6 ang average daily attack rate (ADAR), kung saan malayo ito sa ADAR threshold ng Department of Health (DOH) na 6 kada 100,000 populasyon.
Maliban dito, nakikitaan naman ng bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang ilang mga lugar sa bansa partikular sa Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Pampanga, Benguet at ibang parte ng Western Visayas region.
Sinabi ni David na posibleng dahilan ng pagtaas ng kaso sa mga naturang lugar ay ang pagpasok ng Omicron subvariants na BA.4 at BA.5 sa bansa.
Sa kabila nito, mananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Metro Manila at ang iba pang lugar sa bansa simula hanggang sa Hulyo 15.