Inihayag ng OCTA Research Team na bumaba ang bilang ng arawang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas mula Mayo 5 hanggang Mayo 11 ng may 16% kumpara sa nagdaang linggo.
Ayon sa ulat ng naturang grupo, ang bansa ay nakapag-ulat ng 7-day average na 6,522 kaso na may reproduction number na 0.81.
Ang reproduction number na 1.00 o mas mataas dito ay nagpapakita ng patuloy na hawaan ng virus.
Gayunman, nakapag-ulat ang grupo ng pagtaas ng hawaan ng virus sa Zamboanga na may pinakamaraming kaso sa labas ng Metro Manila.
Ang Zamboanga ay nakapagtala ng 47% na pagtaas ng kaso na may average na 151 bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw.
Ang Puerto Princesa naman ay nakapagtala ng 35% one-week growth rate na may 60 kaso kada araw habang ang Batangas City at Cagayan de Oro City ay nakapagtala rin ng pagtaas ng kaso kumpara sa nagdaang linggo.
Ayon sa OCTA, ang Tuguegarao, Baguio, at Puerto Princesa ay may Average Daily Attack Rate (ADAR) na mas mataas sa 20 per 100,000.
Ang lugar na naiulat na Average Daily Attack Rate na may mas mataas sa 10 kada 100,000 ay tinatawag na high risk ng Department of Health (DOH).