Cauayan City, Isabela- Patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Bayan ng Solano sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos madagdagan ng dalawamput walong (28) panibagong kumpirmadong kaso ng sakit.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH 2, umakyat na sa 237 ang naitalang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Solano na binansagang epicenter ngayon ng virus sa Lalawigan dahil na rin sa pagkakatala ng Community Transmission.
Mula sa total cases, 148 dito ang active cases, 84 ang recovered at lima (5) ang nasawi.
Mula sa dalawamput dalawang (22) barangay na sakop ng Solano ay tatlong (3) barangay na lamang ang walang naitalang kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng Bangaan, Bangar at Pilar D. Galima.
Pinakamaraming kaso ang barangay Bagahabag na mayroong 47 COVID-19 positive.
Kaugnay nito, nagpatuloy pa rin ang ginagawang maigting na contact tracing sa lahat ng mga posibleng nakasalamuha ng mga bagong nagpositibo.