Pumalo na sa limangpu (50) ang kumpirmadong nag-positibo sa kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Taytay, Rizal.
Ito ang kinumpirma ng Taytay Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (Taytay-MESU) kung saan tatlong bagong kaso ng COVID-19 ang naidagdag sa bilang.
Kabilang dito ang 46-anyos na babae na mula sa Barangay San Isidro na sumailalim sa quarantine pero nasa stable condition na ngayon.
Habang ang 41-anyos na babae mula sa Barangay San Juan ay naka-admit sa hospital ng Quezon City at ang ika-50 pasyente na 32-anyos na babae na mula sa Barangay San Juan ay sumailalim din sa quarantine pero maayos na ang kalagayan.
Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing ang Taytay Rizal Government sa mga nakahalubilo ng tatlo habang ang kani-kanilang mga pamilya ay kasalukuyan naka home quarantine upang hindi na kumalat ang nakamamatay na virus.
Muling pinaalalahanan ng Local Government ang mga residente na manatli sa kanilang mga tahanan at panatilihin ang pagpapatupad ng social distancing laban sa COVID-19.
Magpapatupad ang Taytay Rizal Government ng hard lockdown sa lahat ng mga barangay kung palalawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) pagkatapos ng Mayo 15, 2020.
Sa ngayon, siyam na ang nasawi sa COVID-19 habang labing apat ang nakarekober sa Taytay, Rizal.