Tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa probinsiya ng Aklan ngayong taon, ayon sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office.
Sabi ng PHO, lumobo ng mahigit 47 porsyento ang nagkaroon ng dengue nitong 2019 kumpara noong 2018.
Umabot sa 982 ang kaso ng dengue simula Enero hanggang Mayo 25. Habang 665 ang naitala noong nakaraang taon sa parehong panahon.
Sa nasabing bilang, siyam ang namatay dahil sa sakit.
Pinakamataas na insidente ng dengue ay naiulat sa Kalibo, kabisera ng Aklan. Sumunod ang Banga at Numancia.
Narito ang opisyal na datos mula sa PHO:
- Kalibo, Aklan – 284
- Banga, Aklan – 95
- Numancia, Aklan – 92
Dagdag pa ng PHO, nakababahala ang pagdami ng biktima ng dengue pero walang tiyak na “dengue hotspots” sa lugar.
Ayon kay Provincial Health Officer I Dr. Cornelio Cuachon Jr., magiging aktibo ulit ang Provincial Anti-Dengue Task Force para mabawasan ang kaso ng karamdaman lalo na at malapit na ang panahon ng tag-ulan.
Pinaalalahan nila ang publiko na sundin ang 4s strategy laban sa dengue:
- searching and destroying mosquito breeding places
- self-protection measures such as wearing of long-sleeve shirts and pants
- seeking early consultation when dengue symptoms are observed
- supporting fogging/spraying only in hotspot areas to prevent an impending outbreak.
Nakukuha ang dengue sa pamamagitan ng kagat ng Aedes na lamok. Ang sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, katawan, at kasukasuan, pagsusuka, at mapupulang butlig sa balat. Agad pumunta sa doktor kapag naramdaman ang mga ito.