Umakyat na sa mahigit 3,000 ang bilang ng kaso ng dengue na naitala ng Department of Health (DOH) sa Region 7.
Sa datos mula sa DOH Region 7, umabot na sa 3,177 ang kaso ng dengue sa Central Visayas mula Enero hanggang Mayo 7, 2022 kung saan 31 na ang namatay.
Ito ay 287% na mas mataas kumpara sa 820 dengue cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Pinakamaraming kaso ay naitala sa Cebu City na nasa 708 kung saan 13 ang namatay.
Kabilang rin sa mga lugar na nakapagtala ng mataas na kaso ng dengue sa rehiyon ay ang Lapu-Lapu City, Mandaue, Talisay at Minglanilla.
Samantala, ayon kay Dr. Mary Jean Loreche, chief pathologist ng DOH-7, isa sa nakikita nilang dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue ay ang pagtama ng Super Typhoon Odette noong Disyembre na nagdulot ng mga pagbaha sa lungsod.
Maliban dito, tila naisantabi rin aniya ang pagtugon sa iba pang sakit gaya ng dengue dahil sa labis na pagtutok sa COVID-19.