Kaso ng dengue sa Region 9 patuloy na tumataas

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue sa rehiyon 9, kung saan umabot na sa 2,577 mula noong Enero 1 hanggang Abril 5, taong kasalukuyan.

Ayon kay Neo Walter Ted Folgo ng Department of Health Region 9, nasa isang daan tatlumpu’t dalawang porsiyento (132%) ang itinaas ng kaso ng dengue kung ikukumpara ito sa parehas na panahon noong nakaraang taon.

Batay sa disease surveillance update ng naturang departamento, ang dengue cases na ito ay naitala mula sa ibat-ibang tinututukang  mga hospital sa buong rehiyon.


Ayon kay Folgo, ang probinsya ng Zamboanga Sibugay ay may naitalang 382 dengue cases mula Enero 1 hanggang Abril 5 ngayong taon, kompara sa 81 cases lamang noong 2018. Ang naturang probinsiya ay siyang nagtala ngayon ng pinakamataas na percent change na tumatak sa 372 percent.

Sumunod naman ang probinsya ng Zamboanga del Norte, pumapangatlo naman ang Zamboanga City habang bahagya ang pagtaas ng kaso ng dengue sa Zamboanga del Sur at Isabela City.

Panawagan ng DOH sa publiko na maging prime movers sa pagkontrol ng populasyon ng mga lamok upang maiwasan ang posibleng  dengue death sa komunidad at ugaliing panatilihing malinis ang kapaligiran upang hindi pamugaran ng mga lamok.

Facebook Comments