Ibinabala ng Department of Health (DOH) na posibleng dumoble pa ang bilang ng mga tinatamaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV)/ Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) sa bansa sa mga susunod na taon.
Ito ay kung walang magiging maayos na HIV/AIDS prevention at improvement sa serbisyo.
Sa datos ng pamahalaan hanggang nitong March 2024, 129,772 ang diagnosed na kaso ng HIV sa bansa kung saan halos kalahati nito ang mga kabataang edad 15-24.
Ibig sabihin, ngayong taon pa lamang ay 3,410 ang bagong na-diagnose kung saan 82 ang namatay.
Pinakamarami sa mga bagong kaso ang nagmula sa National Capital Region, at sinundan ng Region III, IV-A, VI, AT VII.
Sinabi pa ng DOH na kung magpapatuloy ang ganito ay lumalabas sa projection na posibleng pumalo sa 401,700 ang kaso sa bansa pagsapit ng 2030 mula sa estimate ngayong taon na 215,400.
Kaugnay nito, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na maaari itong mapigilan sa pamamagitan ng pag-promote ng safe sex, mas maayos na health literacy na naaayon sa kultura at HIV testing bilang bahagi ng primary care.