
Ikinabahala ng Bureau of Immigration ang paglobo ng kaso ng mga underage na biktma ng human trafficking.
Ito ay matapos na isang babae ang masagip matapos na tangkaing bumiyahe patungong Riyadh, Saudi Arabia para magtrabaho bilang domestic worker.
Ayon sa BI, sinabi ng biktima na 24 taong gulang na siya at pasok sa edad para sa deployment bilang domestic worker sa abroad.
Pero dahil sa pabago-bagong sagot, nagduda ang Immigration at dito na nabuking na 21 taong gulang pa lamang ang babae.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, modus ng mga sindikato na turuan ang mga biktima na pekein ang personal na impormasyon para makalusot sa deployment sa ibang bansa.
Nakababahala aniya na target ng mga trafficking syndicate ang mga kabataan kabilang ang mga menor de edad.
Tiniyak naman ng BI na patuloy nilang paiigtingin ang pagtukoy at pagharang sa mga tangkang trafficking at mapanagot ang mga nasa likod nito.










