Posibleng mahigit sa 56 na kaso ng pagdukot na naitala ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc., (PCCCII) ang mayroon sa bansa.
Matatandaang unang inihayag ng PCCCII na aabot sa 56 ang mga kaso ng kidnapping na naisumbong sa kanila na karamihan ay mga Filipino-Chinese habang sa panig naman ng Philippine National Police (PNP) ay 27 ang na-i-record na abduction cases kung saan 20 dito ay Philippine Offshore Gaming Operators o POGO-related.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa serye ng kidnapping sa bansa, sinabi ni PCCCII Secretary General Ko Bengsum na ang mga aktwal na kaso ng pagdukot ay posibleng higit pa sa bilang na naitala ng organisasyon lalo’t karamihan ng mga pagdukot ay hindi na-ire-report sa mga awtoridad.
Ibinulgar ni Bengsum na mas pinipili ng POGOs at ng mga manggagawa nito na itago ang kaso ng pagdukot sa kanilang hanay sa takot na sila ay maparusahan.
Ayon kay Bengsum, kapag mayroong abduction case sa alinmang POGO ay hindi ito inire-report sa pulisya dahil sa oras na maisumbong ito sa mga awtoridad at maiparating sa Chinese embassy ay agad na ipapa-deport pabalik sa China at pagbabawalan na umalis ng bansa sa loob ng limang taon ang mga manggagawa rito.
Maliban pa rito, agad ding kakanselahin ang pasaporte ng POGO workers na dinukot o sangkot sa kidnapping.
Umapela naman si Public Order Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Philippine National Police (PNP) na huwag balewalain ang inilabas na datos ng PCCCII.
Hiniling ng senador sa PNP na makipag-ugnayan ang pulisya sa PCCCII para silipin at beripikahin ang naitalang 56 na kaso ng pagdukot.