Matapos matagpuan ang bangkay ng biktima noong umaga ng Hunyo 9, nagsagawa ng imbestigasyon ang PNP Ilagan City sa pamilya at mga kaibigan ng biktima kaya’t napag-alaman na mayroon itong touchscreen cellphone dahilan para bumalik sa crime scene ang mga kapulisan upang hanapin ito.
Sa kanilang paghahanap, nakita nila ang naturang cellphone kasama ang isang lighter at bimpo na pag-aari ng biktima sa layong humigit kumulang 15 metro kung saan nakita ang katawan ng biktima na wala ng buhay.
Kaagad na prinoseso ng Provincial Forensic Unit ang cellphone at sa pahintulot na rin ng pamilya ng biktima ay na-access ito ng imbestigador.
Dito nabasa ang usapan ng biktima at ng isang lalaki na residente ng Brgy. Bigao sa nasabi ring lungsod na magkikita umano sila sa maisan sa Brgy. Naguilian Sur.
Agad na nakipag-ugnayan ang kapulisan sa mga barangay officials ng Brgy. Bigao at inimbitahan ang naturang lalaki na napag-alamang menor de edad kasama ng kanyang pamilya.
Inamin na ng lalaki na siya ang naka-chat ng biktima kaya’t inimbitahan na siya maging ang kanyang pamilya sa himpilan ng pulis para sa imbestigasyon.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, umamin ang menor de edad na siya ang sumaksak sa biktima kasama ng dalawang iba pa.
Nakipag-ugnayan na rin ang PNP Ilagan sa City Social Welfare Development Office at Public Attorneys Office (PAO) sa Hall of Justice, Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela para sa pagsasagawa ng kaniyang Extra Judicial Confession sa gabay ng isang abogado.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na nagresulta ng pagkakadakip ng dalawang iba pang suspek sa krimen sa Brgy. Bigao.
Nagsagawa rin ng kani-kanilang Extra Judicial Confession ang dalawang naaresto sa gabay pa rin ng isang abogado kaya’t idineklara ng case solved ang naturang kaso.