Kaso ng pamamaril ng mga pulis sa mga sundalo sa Jolo, Sulu, pinatututukan ng Korte Suprema

Itinalaga ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta si Judge Alsad Hailil Alfad Jr., bilang acting Presiding Judge ng Branch 3 at 4 ng Jolo, Sulu Regional Trial Court.

Sa Administrative Order (AO) 12-2021, inatasan ni Peralta si Alfad na tugunan ang “urgent matters” o kaso na nakabinbin sa mga nabanggit na korte.

Kabilang dito ang kaso ng pamamaril ng siyam na pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong nakaraang taon.


Ang mga pulis na sangkot sa kaso ay pinalaya ng Philippine National Police (PNP) dahil wala na sila sa kustodiya ng Pambansang Pulisya at dahil sa kawalan ng arrest warrants mula sa korte.

Nauna nang inamin ni Justice Sec. Menardo Guevarra na naisampa na ng mga prosecutor ang criminal information sa korte, pero bigo itong maglabas ng arrest warrants dahil naka-lockdown ang Sulu.

Nabatid na ang hukom na may hawak sa mga kasong murder at planting of evidences na kinakaharap ng mga pulis ay apektado ng lockdown.

Si Alfad ay kasalukuyang Presiding Judge ng Branch 25 ng Siasi, Sulu RTC.

Nakasaad pa sa AO na si Alfad ay magpapatuloy sa trabaho sa Branch 3 at 4, hanggang sa makabalik ang mga hukom ng dalawang korte.

Facebook Comments