Kaso ng Pamamaslang sa Anak ng Dating Judge, Nagkaroon ng Development

Cauayan City, Isabela – May mga umusbong nang mga pangalan na puedeng tanungin ng kapulisan sa nangyaring pamamaril sa anak ng isang dating judge sa Cauayan City.

Napag alaman ito sa ginawang panayam ng RMN Cauayan News Team kay PSupt Narciso Paragas, ang hepe ng PNP Cauayan kaugnay sa pamamaril kina Socrates Bala Sr y Ramos at Catherine Rotas noong gabi ng Oktubre 9, 2017 sa mismong sentro ng lungsod.

Ayon kay PSupt Narciso Paragas, nagsumite ng affidavit ang anak ng biktima at may mga nabanggit na mga pangalan na puedeng tanungin ng PNP para sa ginagawang case build-up.


Magpagayunpaman ay hindi muna isasapubliko ang mga nilalaman upang di makompromiso ang kanilang imbestigasyon.

Nakatulong din ng malaki ang partisipasyon ng mismong pamilya ng biktima sa case review na ginanap sa PNP station ng Cauayan para sa ikakausad ng imbestigasyon.

Samantala, inaasahang lalabas sa susunod na linggo ang pagsusuri ng PNP Anti Cyber Crime Unit na nakabase pa sa Kampo Krame sa mga kuha ng CCTV camera sa mismong pinagyarihan ng pamamaril.

Sa nangyaring case review ay binigyan ng diin ng PNP ang kanilang mariin na imbestigasyon sa naturang pangyayari samantalang ibinahagi rin ng pamilya ang kanilang pakikipagtulungan sa naturang imbestigasyon.

Magugunita na sa mga unang linggo matapos ang pamamaril ay nagkaroon ng hinala ang pamilya sa kapulisan dahil dating tokhang surrenderee ang biktima.

Sinabi ng hepe na naipaliwanag nilang mabuti sa pamilya Bala na seryoso ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa kaso kagaya ng mga iba pang kaso na kanilang iniimbestigahan dito sa lungsod.

Facebook Comments