Kaso ng panggagahasa at panghoholdap sa apat na guro sa Camarines Sur, pinareresolba ni VP Sara sa PNP

Mismong si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio na ang nag-abiso sa Philippine National Police (PNP) na madaliin ang pagresolba sa kaso ng apat na guro sa Camarines Sur na ginahasa at hinoldap.

Sa kanyang Major Command Conference kahapon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP, inilapit na ni VP Inday Sara kay Police Deputy Director for Administrations Lt. Gen. Chiquito Malayo ang nasabing kaso.

Sabi ng bise presidente, hindi dapat binibigyan ng awa ang mga kriminal o sinumang kaaway ng estado.


Nais niya na mabigyan agad ng katarungan ang panggagahasa at panghoholdap sa apat na guro sa isang paaralan sa bayan ng Ocampo sa Camarines Sur noong nakalipas na buwan.

Bangag umano sa iligal na droga ang mga suspek ng harangin ang mga papauwi na guro ng holdapin sila kung saan kinuha ang mga cellphone at cash ng mga teacher.

Subalit hindi pa nakuntento ang mga suspek dahil dinala umano sa comfort room ng paaralan ang dalawang dalaga na teacher at doon isinagawa ang panghahalay.

Subalit isang buwan na ang nakararaan ay wala pa ring lead ang PNP sa krimen kung kaya’t si VP Inday Sara na ang nag-utos sa mga ito na madaliin ang pagresolba sa kaso.

Facebook Comments