
Nagpahayag ng alarma ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagtaas ng kaso ng suicide at self-harm incidents sa Metro Manila.
Sa recorded na kaso nitong Enero 1 hanggang Marso 23 umabot ito sa 111, kung saan tumriple ito mula sa 33 insidente na naiulat sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., sa parte ng Philippine National Police (PNP) ay paiigtingin pa nito ang koordinasyon sa mga paaralan, barangay, at iba pang community-based groups at stakeholders para palakasin ang monitoring at response measures dahil ang mga ganito umanong usapin ay dapat na hindi ipinasasawalang-bahala.
Hinimok rin nya ang mga magulang na bantayan ang mga aktibidad ng kanilang mga anak online partikular na kung may mga biglaang pagbabago sa kanilang mga galaw o asal.
Nabatid na nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang NCRPO patungkol sa mga kabataan na gumugugol ng mahabang oras sa digital environments kasama na rito ang mga gaming platforms.










