
Umapela si Senator Bam Aquino sa pamahalaan na magbigay ng tulong sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at sa middle-class sector na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Aquino, maraming minimum wage earners at maliliit na negosyante na kabilang sa middle class ang nananatiling “above poverty line” kaya hindi nakatatanggap ng ayuda, ngunit labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, ramdam ang price shocks sa mga palengke, grocery, gasolinahan, at maging sa mga sari-sari store, na pabigat hindi lamang sa mahihirap kundi pati sa middle class at maliliit na negosyo.
Iginiit ng senador na kung may targeted na ayuda, dapat itong agad maipagkaloob lalo na sa mga apektadong sektor.
Pinapalawig din niya ang panawagan ng tulong hindi lamang sa MSMEs kundi pati sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.
Mahalaga aniya na manatiling bukas at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga negosyo at transportasyon upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya ng bansa.










