Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na maaaring makitaan ng pulmonary tuberculosis.
Ayon kay Bureau of Corrections Spokesperson Gabriel Chaclag, sa Lunes kasi ay sisimulan na nila ang pagsasagawa ng mass screening kaya posibleng dumami pa ang maitala nilang kaso ng sakit.
“Magkakaroon na tayo ng mass screening. Ang ginagawa po kasi natin ay ‘yung random at targeted pero sa ngayon, mass screening na po so ang sabi ng ating health service, baka dumami pa ‘yung cases dahil lahat po ay i-i-screen na sa TB,” ani Chaclag sa panayam ng RMN Manila.
Matatandaang kahapon ay inulat ng BuCor Health Service na higit 200 persons deprived of liberty (PDL) sa Bilibid ang nagpositibo sa TB.
Naka-isolate na ang mga ito at sumasailalim na sa anim na buwang gamutan.
Pero paglilinaw ni Chaclag, ganito rin ang dami ng naitatala nilang kaso ng TB sa mga preso maski noong pre-pandemic o noong 2019 at halos lahat naman ay gumaling din.