Nakapagtala ang Ilocos Region ng 141 kaso ng tigdas mula Enero uno hanggang nito lamang a-dos ng disyembre ngayong taon, ito ay base sa pinakahuling datos ng Department of Health Center for Health Development Regional Office (DOH-CHD-1).
Sa isang panayam, sinabi ng DOH-CHD-1 medical officer na si Dr. Rheuel Bobis na ito ay 160 porsiyentong mas mataas kaysa sa limamput limang kaso na naitala sa parehong panahon noong taon 2021. Sa datos na ibinahagi ng DOH-CHDI, nakapagtala ang Pangasinan ng 51 na kaso nito, 43 mula sa La Union, 16 mula sa Ilocos Sur, 20 mula sa Ilocos Norte at Dagupan City ay mayroong 11 na kaso.
Ayon kay Bobis, maaari umanong maiwasan ang iba pang sakit gaya ng tigdas kung magpapatuloy ang pagsusuot ng face mask.
Dagdag pa niya, dahil sa mababang bilang ng pagbabakuna ng tigdas ay maaari umanong magkaroon ng mataas na kaso nito at mas mataas umano ang panganib o posibilidad na magkaroon ng epidemya ng tigdas sa hinaharap.
Sinabi pa ni Bobis na sinisikap nilang palakasin ang inoculation laban sa tigdas sa mga bata.
Aniya, Isang nationwide measles immunization drive ang gaganapin sa susunod na taon.
Binalaan naman ni Bobis ang mga magulang na ang tigdas ay maaaring mauwi sa kamatayan kung hindi mabibigyan ng kaukulang atensyong medikal. |ifmnews
Facebook Comments