Muling nagsumite ng petisyon sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ni dating Akbayan Representative at dating Vice Presidential Candidate Walden Bello upang hilinging maibalik sa kagawaran mula sa korte at tuluyan nang mabasura ang kinahaharap nitong kasong cyber libel.
Sa anim na pahinang Manifestation with Urgent Prayer to Resolve na inihain ng kampo ni Bello, mahina ang naging basehan ng DOJ upang ibasura ang naunang motion to review ni Bello, ayon sa abodago nitong si Atty. Estrella Elamparo.
Nag-ugat ang kaso matapos umanong akusahan ni Bello si Davao City Information Officer Jefry Tupas na sangkot sa iligal na droga.
Kabilang sa mga naging basehan ng DOJ sa pag-dismiss ng petisyon ay ang kawalan umano ng pruweba na nabigyan ng kopya ng petisyon ang kampo ng complainant at walang naging mosyon upang ipagpaliban ang arraignment.
Sa ilalim ng rules of court, hindi na maaaring ibalik sa DOJ ang kaso kapag sumailalim na sa arraignment ang akusado pero ayon kay Elamparo, may lusot pa rin ito.
Nanindigan naman si Bello na panggigipit o political persecution ang puno’t dulo ng kaso.