Kaso ni Mayor Alice Guo, tinawag na “creeping invasion;” pagsilip sa iba pang kaso ng infiltration ng China sa bansa, posibleng busisiin na rin ng Senado

Tinawag ni Senator Loren Legarda na posibleng “creeping invasion” ng China ang kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Legarda, hindi na lamang kasi sa karagatan o sa ere ang pagsakop sa isang bansa ngayon kundi maaaari na ring gawin sa kultura, ekonomiya at sa politika.

Naniniwala ang mambabatas na napasok na rin ng mga sindikato ng ibang bansa hindi lang ang mga halal na posisyon kundi pati na rin ang mga ahensya ng gobyerno.


Iginiit ng senador na dapat masilip kung saan at papaano nakakapasok sa bansa ang isang dayuhan at nagkakaroon pa ng mga ligal na dokumento na nagsasabing sila ay mga Pilipino.

Samantala, inilabas naman ni Senator Risa Hontiveros ang mga dokumento na magpapakita ng posibleng pagkakakilanlan ng ina ni Mayor Guo.

Sa mga dokumento ng mga negosyo ni Mayor Guo ay lumalabas ang pangalan ng ama nitong si Jian Zhong Guo na isang Chinese, ang mga kapatid na sina Shiela at Seimen Guo na Filipino ang nakalagay na nationality at isang Wen Yi Lin na Chinese na posibleng itong ang biological mother ng Alkalde.

Lumalabas ang pangalan ni Wen Yi sa mga negosyo ni Mayor Guo kabilang ang QJJ Group of Companies, QJJ Farms, QJJ Embroidery, QJJ Meat Shop, 3LIN-Q Farm, QJJ Slaughterhouse, at QSeed Genetics.

Giit ni Hontiveros, mahalaga ang tunay na identity ng ina ng Alkalde dahil kung Chinese ito at Chinese din ang ama, ay malinaw na hindi talaga Pilipino kundi Chinese si Mayor Guo.

Facebook Comments