Kaso sa mag-asawang Sandoval, ibinasura ng Ombudsman

Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang reklamo laban kay dating Malabon-Navotas Cong. Federico “Ricky” S. Sandoval II at sa kanyang maybahay na si dating Malabon Vice Mayor Jeannie Sandoval kaugnay ng akusasyong maanomalyang paggamit ng P20 milyong Priority Development Assistance Fund na isinampa noong 2017.

Sa kautusang inilabas ng Ombudsman na may petsang Hulyo 24, 2019, dinismis nito ang reklamo laban sa noo’y kongresistang si Sandoval na unang inakusahang nakipagsabwatan sa mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sina Honorita Bandua Bayudan, Regional Director; Ma. Luisa Francisco, Chief Accountant III; Maria Cecilia Linghon Rimon, Social Welfare Officer III; Victoria Santos Legacion, Administrative Officer V at Imelda Ibarra David, Administrative Officer V sa umanoy paglustay ng P20 milyong PDAF.

Noong Marso 8, 2017, inireklamo ang mga nabanggit sa paglabag sa Republic Act No. 3019, Falsification of Public Documents at Malversation of Public Funds kaugnay sa paggamit ng P20 milyong PDAF ng kongresista na inilabas sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO) No. B-0703021 bilang financial assistance sa Lone District ng Malabon-Navotas.


Nakakita umano ang Commission on Audit (COA) ng mga iregularidad sa pagrerelis at paggamit ng naturang pondo na pumabor sa Pamalakaya Foundation, Inc. (PFI) kung saan isa sa mga incorporators ang maybahay ng kongresista na si Jeannie Sandoval.

Sa naturang reklamo, inakusahan ng pagsasabwatan ang dating kongresistang si Sandoval, mga nabanggit na DSWD officers at ang PFI na kinabibilangan ng mga opisyal nito na sina Rosario S. Rañoa, president; Rexie U. Lagrazon, Project Officer; at mga incorporators na sina Jeannie N. Sandoval, Lolita N. Evangelista, Manolita N. Santos at Gwendolyn T. Gerente para magamit ang P20 milyong pondo sa programang “cash for work”.

Batay sa findings ng COA, nagkaroon umano ng mga iregularidad sa pagrelis at paggamit ng pondo dahil hindi nasunod ang mga kailangang procedures at documentary requirements.

Sa isinumite namang joint counter affidavit noong Pebrero 23, 2017, pinanindigan nina Congressman Sandoval at Jeannie Sandoval na walang nangyaring paglabag at iregularidad sa paglalabas ng pondo. Anila, ang paglabas ng PDAF sa DSWD at PFI ay hindi nila saklaw.

Ayon pa sa mag-asawang Sandoval, hindi sila ang accountable officer at hindi rin sila ang naglabas at humawak ng pondo kaya hindi sila dapat kasuhan ng Malversation. Wala rin umanong conflict of interest na nangyari nang ilabas ang pondo ng kongresista sa PFI kahit isa sa mga incorporator nito ang kanyang misis na si Jeannie lalo’t ang DSWD lamang ang may kapangyarihang pumili kung saang NGO ipagkakatiwala ang pondo.

Noong July 24, 2019, dinismis ng Office of the Ombudsman ang kaso kung saan binigyang diin na walang ebidensyang nagpapatunay na nakipagsabwatan si Cong. Sandoval sa mga nabanggit na opisyal ng DSWD gayundin sa mga incorporators ng PFI na kinabibilangan ng maybahay ng kongresista para lustayin at gamitin ang pondo ng PDAF para sa kanilang pansariling interes.

Sinabi pa sa ruling ng Ombudsman na hindi rin napatunayan ang akusasyon sa DSWD officers dahil ginawa lamang ng mga ito ang kanilang tungkulin sa pagrerelis ng pondo.

Kung may pagkukulang man umano ang PFI sa naging pagpapatupad ng mga proyekto ay hindi na ito saklaw ng usapin at nabibilang sa ibang forum.

Facebook Comments