Kasong Administratibo laban kay Kapitan Meris, Ibinasura ng Sangguniang Panlungsod

Cauayan City, Isabela- Nawalan na nang saysay ang kasong Administratibo na isinampa sa Sangguniang Panlungsod laban kay Kapitan Melchor Meris matapos na ibasura ng Committee on Social Services ang reklamo laban sa opisyal dahil naman sa kusang pag-atras ng complainant.

Ito ay matapos na kusang bumaba sa pwesto bilang Purok Lider ang isa sa mga inireklamo na si Elvie Aquino.

Sa isinagawang pagdinig ng komite na pinamunuan ni City Councilor Cynthia Uy, nagkaharap at nagkapaliwanagan ang magkabilang panig hinggil sa hindi umano patas na pamamahagi ng mga ayuda sa Barangay District 3 sa Cauayan City.


Lumabas sa nasabing pagdinig na hangad ng maraming residente ng Purok 7 na mapalitan ang kanilang purok lider na si Aquino dahil sa umano’y hindi maayos at pantay na pamamahagi ng mga tulong o ayuda sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses at mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa ginawang presentasyon ni Kapitan Meris sa pagdinig sa kanyang reklamo, kanyang ipinakita ang dokumento ukol sa boluntaryong pagbaba sa pwesto bilang Purok Lider ni Aquino na ikinatuwa ng nagrereklamong residente na si Rosalina Recometa.

Dahil sa pangyayari, kusa din na binawi ng complainant ang kanyang reklamo sa nasabing opisyal kaya’t itinuturing na rin ‘DISMISSED’ ang kasong administratibo ni Kapitan Meris sa Sangguniang Panlungsod ng Cauayan.

Facebook Comments