
Sinampahan ng kasong graft at malversation sa Office of the Ombudsman sina dating head ng Presidential Legislative Liaison Office Adrian Bersamin at dating Education Undersecretary Trygve Olaivar kaugnay ng umano’y bilyon-bilyong pisong katiwalian sa infrastructure projects.
Kabilang sa mga complainant ay ang Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, kasama ang iba pang concerned citizens.
Ayon kay BAYAN Chairperson Teddy Casiño, hinihiling nila sa Ombudsman na imbestigahan ang naging papel ng dalawang opisyal sa sinasabing “commitment-insertion-kickback” scheme na may kaugnayan sa mga budget insertion sa pambansang pondo.
Batay sa reklamo, may mga testimonya na nagsasabing bilyong piso ang umano’y kickback na naipasa sa mga opisyal, kabilang ang sinasabing pondo para sa Pangulo na ibinigay umano ng ilang installment.
Kasabay nito, binigyang-diin ng grupo na napapanahon ang paghahain ng kaso lalo’t magsasara na ang Independent Commission for Infrastructure o ICI sa March 31 nang walang napapanagot na mataas na opisyal.
Iginiit ng BAYAN na dapat magsagawa ng patas na imbestigasyon ang Ombudsman upang matukoy ang pananagutang kriminal, sibil at administratibo ng mga sangkot.
Kasabay nito, nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo sa labas ng tanggapan ng Ombudsman upang ipanawagan ang aksyon ng anti-graft court sa kanilang reklamo.










