Nagsampa ng kasong illegal dismissal sa opisina ni Department of Labor and Employment (DOLE) ang writer-commentator na si Jobert Sucaldito laban sa kompanyang ABS-CBN.
Inirereklamo ng kolumnista ang aniya’y hindi makatarungan pagkakatanggal sa kaniyang radio program sa DZMM dahil sa reaksyon tungkol sa hiwalayang Nadine Lustre at James Reid.
Kasamang dumulog ni Sucaldito sa tanggapan ng kalihim ang abogado niyang si Atty. Ferdinand Topacio nitong Huwebes ng hapon.
Halos dalawang buwan na siyang wala sa programang Showbuzz matapos patawan ng indefinite suspension noong Enero kaugnay sa patutsada at “suicide joke” nito laban sa aktres.
Gusto ng manunulat na managot ang pamunuan ng DZMM sa ginawang aksyon na “ganun-ganun na lamang”.
“I’ve been working with ABS for twenty years. And seventeen years of which I was with DZMM. Tapos ganyan-ganyan? Sipain niyo ako just because of the trolls, yung mga fans na nagrereklamo? Hindi man lang inisip kami that worked for you? Asan na ang mga puso niyo?,” pahayag ni Sucaldito sa panayam ng PEP.ph.
Katakot-takot daw na stress ang idinulot sa kaniya ng pangyayari lalo na at may pamilya siyang binubuhay.
“What happens to my family, what happens to my children? I send them to school. What happens to my household? Alangan namang palayasin ko ang katulong ko, ang kasambahay ko, kasi wala na akong trabaho, ‘no.”
Hindi rin umano makalipat si Sucaldito ng ibang istasyon dahil nirerespeto niya ang kontrata sa ABS-CBN, kung saan nag-renew siya noong Enero.
“We are not perfect. May mga pagkakataon na sumasablay ka. Ano ba namang tapikin kang konti at bigyan ka ng warning? Suspension of the agreement agad? How unfair!,” banat pa ng showbiz writer.
Samantala, siniguro ng giant network na ang kaso ni Sucaldito ay “being handled with fairness and integrity and in adherence to the law.”
- Related stories:
(BASAHIN: Jobert Sucaldito, binatikos ng publiko dahil sa ‘suicide joke’ kay Nadine Lustre)
(BASAHIN: ABS-CBN, iniimbestigahan si Jobert Sucaldito kaugnay sa ‘insensitive comment’)
(BASAHIN: Jobert Sucaldito, humingi ng paumanhin kay Nadine Lustre)