Kasong isinampa ng Bell-Kenz Pharma Inc., layon lamang ilihis ang isyu sa ginagawang Senate inquiry – health advocate

Handang harapin ng health advocate na si Dr. Tony Leachon ang kasong isinampa laban sa kaniya ng Bell-Kenz Pharma Inc.

Ito ang sagot ni Leachon kasunod ng paghahain kanina ng kasong cyber libel laban sa kaniya dahil sa umano’y paninira sa reputasyon ng kompanya.

Ayon kay Leachon, posible umanong ginagamit lamang ito ng pharma firm para ilihis ang isyu lalo na’t ginigisa sila sa Senado dahil sa posibleng ethical violations sa medical field.


Matatandaang nagpapatuloy ngayon ang senate inquiry kaugnay sa pagbibigay umano ng perks ng Bell-Kenz sa mga doktor na irereseta ang kanilang mga gamot.

Kabilang umano sa mga ibinibigay ng kompanya ang rebates na aabot sa dalawang milyong piso, mamahaling sasakyan at libreng travel.

Sa kabila ng isinampang kaso laban sa kaniya, hindi raw titigil si Leachon na magsalita kaugnay sa pagtatanggol sa ethical standards ng healthcare sa bansa.

Facebook Comments