Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang kasong isinampa ng mga pulis laban sa 113 katao na naaresto noong Hunyo dahil sa paglabag sa alituntunin ng community quarantine.
Kasama sa mga local at foreigners na nasa restobar ang aktor at radio DJ na si KC Montero at ang asawa nito.
Sa resolusyong inilabas na may petsang October 13, sinabi ni Senior Assistant City Prosecutor Joel Vedan na walang sapat na ebidensyang naibigay ang Makati PNP na magpapatunay na lumabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act ang mga respondents.
Pumanig ang piskal sa restobar operator na si Felix Maramba dahil walang pruweba na naimpeksyon ang mga ito ng COVID-19 na resulta ng paglabag sa quarantine.
Lumalabas din na nakasunod ang establisyimento sa 30% capacity rule sa ilalim ng quarantine rules para sa mga restaurants.
Nakasaad naman sa statement ng mga respondents na ang larawan na ipinakita ng mga pulis kung saan wala silang physical distancing ay mga kuha nang sila’y papilahin pagkatapos ng ginawang raid.