Kasong kinakaharap ni PNP Chief Sinas, kailangang resolbahin bago siya bigyan ng pardon – DOJ

Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na kailangang resolbahin ang criminal complaint na isinampa laban kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas bago gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang constitutional power na paggawad ng executive clemency.

Ang reklamo laban kay Sinas ay bunga ng paglabag sa quarantine protocols kasunod ng isinagawang “mañanita” sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring ipagkaloob ng presidente ang executive clemency kung talagang nahatulang guilty si Sinas sa reklamo.


Batid naman aniya ni Pangulong Duterte na nakabinbin pa ang kaso laban kay Sinas.

Hihintayin ng Pangulo na lumabas ang resulta ng proceedings bago gumawa ng hakbang.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Duterte na walang ginawa si Sinas na mayroong “moral implication” o malisya sa “mañanita” at handa niyang bigyan ng pardon ang PNP Chief.

Facebook Comments