Cauayan City, Isabela – Iginiit ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office Isabela (PCSO) na hindi nila palalampasin ang ayon sa kanila’y labag sa batas na raid sa kanilang tanggapan sa San Fermin, Cauayan City sa pangunguna ni Mayor Bernard Dy.
Kinumpirma ni Jennifer Sunga, Provincial Manager ng PCSO Isabela na magka hiwalay na kasong administratibo at criminal ang nakatakda nilang isampa sa Ombudsman laban kay Mayor Dy. Giit ng PCSO Isabela, iligal at hindi otorisado ang ang pag halughug sa kanilang tanggapan maging ang pag kumpiska sa kanilang mga ari arian at makinang ginagamit sa daily draws tulad ng tambiyolo.
Ginamit na batayan ng PSCO sa pagsasampa ng kasong kriminal ang paglabag umano ng alkalde sa Sections 3, 4 at 6 ng Republic Act 3019. Ang abuse of authority, grave misconduct, oppression and dishonesty ang nakikitang sapat na dahilan para sampahan si Dy ng hiwalay na kasong administratibo.
Magugunitang pinangunahan ni Mayor Dy ang pagpasok at pagkumpiska sa mga gamit ng PCSO noong Biyernes partikular ang kanilang ginagamit sa pagpapalabas ng dawalang winning combination numbers ng STL na pingangasiwaan ng Sahara Gaming Corp. (Sagocor).
Giit ni Sunga, hinanapan daw ng search warrant ang grupo ni Dy ngunit sa halip na magpakita ang mga ito ay sapilitan silang pumasok at kinumpiska ang mga gamit.
Sa panig naman ng kampo ni Mayor Bernard Dy, matagal na silang may demand letter sa pamunuan ng Sahara Gaming Corp. na pagpapatigil sa kanilang operasyon dahil sa kawalan ng mga ito ng business permit para makapagsagawa ng operasyon sa lalawigan.
Buwelta naman ng legal counsel ng PCSO, maaari paring makapag operate ng STL numbers game ang Sahara Gaming Corp. kahit walang permit mula sa LGU sa sa probisyon ng Implementing Rules and Regulation (IRR) na ipinapalaganap ng PCSO board of directors na batid umano ng Department of Finance.