Nahaharap pa rin sa mga kasong kriminal at administratibo si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Debold Sinas dahil sa umano’y paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac makaraang sabihin ng pangulo na mananatili sa pwesto ang NCRPO Chief sa kabila ng mga panawagan na alisin ito sa pwesto dahil sa kanyang kontrobersyal na birthday celebration habang umiiral ang ECQ.
Paliwanag ni General Banac, hiwalay na isyu ang pananatili sa pwesto ni Sinas sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) kay Sinas at sa iba pang mga opisyal na natukoy na lumahok sa naturang “birthday celebration”.
Katunayan aniya sinampahan na ng kasong kriminal si Sinas at 18 pang opisyal at tauhan ng PNP sa Taguig Prosecutors office, at gumugulong na rin ang proseso ng para matukoy ng IAS ang administrative liability sa mga pulis.
Matatandaang sinabi ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na mananatili sa pwesto si Sinas dahil kailangan niyang tapusin ang kanyang mga programa kontra sa COVID-19.
Bukod dito, epektibo rin daw si Sinas sa pagpapatupad ng Anti-Drug at Anti-Gambling Campaign ng PNP.