Ipinag-utos na ng Korte SUPREMA ang pagbuhay sa kasong reckless imprudence laban sa ilang opisyal ng Sulpicio Lines, Inc. (SLI).
Pinasasantabi rin ng Supreme Court ang naunang desisyon ng Manila RTC branch 5 noong March 22, 2013 at January 8, 2014 na pumapabor sa respondent na si Edgar Go, ang SLI First Vice-President for Administration at team leader ng Crisis Management Committee.
Ayon sa SC, hindi kase nililimita lamang sa pananagutang sibil ang reklamong kriminal laban sa opisyal matapos magresulta sa pagkamatay ng maraming pasahero at pagkasugat ng iba pa matapos ang paglubog ng MV Princess of the Star.
Sa kaso ng nasabing opisyal, ang criminal at civil liability ay nag-ugat sa naging kapabayaan ng nasabing shipping company.
Binigyang diin din ng korte suprema na hiwalay din ang reklamong sibil laban sa respondent batay sa tinatawag na culpa contractual dahil sa kanilang obligasyon na maihatid ng ligtas ang mga pasahero sa kanilang destinasyon.
Taong 2009 nang kasuhan ng DOJ panel sa Manila RTC si Go at iba pang opisyal ng Sulpicio dahil sa basbas ng mga ito na maglayag ang barko kahit na may bagyo.