Walang nakikitang mali si Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr., sa pagkakaroon ng kasunduan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippines (UP) na pagbabawal sa mga sundalo at pulis na pumasok sa kanilang mga campus na walang prior notice.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ng kalihim na wala siyang planong i-review ang polisiyang ito ng DND at UP dahil napag-aralan na ito.
Pero hindi aniya ibig sabihin nito na wala siyang pakialam sa autonomy ng UP, kailangan lang aniyang magkaroon ng respetuhan sa polisiyang ito.
Kaya hinihikayat ng kalihim ang law enforcement officer na dapat alam ang pagtitimbang sa freedom of expression at pagprotekta sa kapayapaan.
Naniniwala ang kalihim na hindi lang naman UP ang pinagre-recruitan para umanib sa makakaliwang grupo.
Nabibigyang pansin lang aniya ang UP dahil ito ay prominenteng unibersidad sa bansa.