Pinatitigil ni Senador Risa Hontiveros ang mga proyekto ng gobyerno na may kasunduan sa mga kumpanyang Chinese na dawit sa militarisasyon ng People’s Republic of China sa West Philippine Sea (WPS).
Nababahala si Hontiveros na mismong gobyerno natin ay may ugnayan sa Chinese companies na siyang lumalapastangan sa ating mga teritoryo.
Pangunahing tinukoy ni Hontiveros ang China Communications Construction Co. na kabilang din sa listahan ng US Department of Commerce na sangkot sa mga paghuhukay at pagtatayo ng military island sa West Philippine Sea.
Base sa nakalap na impormasyon ni Hontiveros, may limang memorandum of understanding ang ating pamahalaan sa Chinese company na ito para sa konstruksyon ng Davao Coastline at Port Development Project, Manila Harbour Center Reclamation Project, Cebu International and Bulk Terminal Project at Manila-Clark railway.
Binanggit din ni Hontiveros ang China Harbor Engineering Co. na siyang nanalo sa bidding para sa pagpapatayo ng access road sa New Clark City.
Giit ni Hontiveros, dapat nang tuldukan ang mga kontrata sa nabanggit na mga Chinese companies dahil ang pagpapatuloy nito ay parang pagsuko natin sa ating teritoryo.