Kasunduan ng Pilipinas at Japan, dapat munang dumaan sa pag-apruba ng Senado

Pinaalalahanan ni Foreign Relations Committee Vice Chairman Senator Francis Tolentino na kailangang dumaan sa pag-apruba ng Senado ang potensyal na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Kaugnay na rin ito sa paghahanda para sa pagsisimula ng paunang konsultasyon bago ang pormal na pagsisimula ng negosasyon sa itinutulak na Visiting Forces Agreement sa pagitan ng dalawang bansa na “Reciprocal Access Agreement”.

Paliwanag ni Tolentino, kung ang kasunduan ay idadaan sa porma ng treaty, ito ay dapat na salig sa 1987 Constitution at kailangang sumailalim sa ratipikasyon ng Senado.


Oras naman na maratipikahan ng Senado ang kasunduan, pinapayagan ang Pilipinas at Japan na mag-deploy ng kanilang mga pwersa sa parehong teritoryo para magsagawa ng mga pagsasanay at iba pang operasyon.

Binigyang diin pa ni Tolentino na ang nasabing kasunduan ay tiyak na magpapalakas sa defense cooperation sa Indo-Pacific zone sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea Region lalo na sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Facebook Comments