Lumagda ang mga airline companies sa isang pledge of commitment o pangako na suportahan ang decongestion ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga lumagda sa pledge of commitment ay sina Vivienne Tan ng Philippine Airlines, Cebu Air President Lance Gokongwei, AirAsia President Dexter Commendador, MIAA General Manager Ed Monreal, CAAP Director General Jim Sydiongco, CAB Executive Director Carmelo Arcilla, DOTr Secretary Arthur Tugade at DOT Secretary Bernadette Puyat.
Una rito, sumang ayon ang mga airline companies na gamitin ang Sangley Airport para sa general aviation, freight turboprop operations at commercial turboprop operations oras na makumpleto ang imprastraktura.
Ang general aviation ay tumutukoy sa lahat ng civil aviation operation tulad ng light aircraft, single engine planes, propeller aircraft na karaniwan ginagamit sa pagluluwas ng marine product, helicopter and private jets, maliban sa commercial air passengers/cargoes transport.
Kumpiyansa si DOTr Secretary Arthur Tugade na maabot ang target na gawing operational ang Sangley Airport sa Nobyembre.
Tiniyak ng kalihim na ang konstruksyon ng karagdagang pasilidad sa Sangley Airport sa Cavite ay maabot ang November deadline.
Upang madaling ma-access ang Sangley Point, plano ng Kalihim na maglagay ng landing berth o daungan para sa ferry operasyon at pagde- deploy ng point to point o P2P bus service mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Matatandaan na ininspeksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dahil sa patuloy na problemang kinakaharap ng paliparan.
Kinausap ng Pangulo ang airlines at mga opisyal ng paliparan tungkol sa mga kinansela at delay flights.