Katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan, mararanasan sa Bicol at 11 pang lugar sa bansa dahil sa LPA

Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa dahil sa epekto ng dalawang low pressure area (LPA).

Alas 10:00 kaninang umaga, huling namataan ang isang LPA sa West Philippine Sea sa layong 80 kilometers Silangan ng Puerto Princesa City, Palawan.

Habang ang isa pang LPA ay nasa layong 85 kilometers Silangan ng Legazpi City, Albay.


Dahil dito, makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Eastern Visayas, Bicol Region, Quezon, Aurora, Bulacan, Rizal, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Dinagat Islands, Calamian Islands at Kalayaan Islands.

Mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malalakas na pag-ulan naman ang iiral sa Mainland Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Metro Manila, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at sa nalalabing bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Visayas at Caraga.

Ayon sa PAGASA, sa ngayon ay mababa lang ang tiyansang maging tropical depression ang dalawa LPA sa susunod na 24 oras.

Pero bukas, inaasahang patuloy na uulanin ang Metro Manila, Cagayan Valley kasama ang Babuyan Islands, Central Luzon, Apayao, CALABARZON, Kalayaan Islands at hilangang bahagi ng Ilocos Norte.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar.

Muling maglalabas ng weather update ang PAGASA mamayang alas 4:00 ng hapon.

Facebook Comments